Thursday, November 10, 2016

Sa Mundo ng mga Pangarap

Bahagi ako ng pinakamatingkad at pinakamapalad na henerasyon ng kasaysayan, ang mga milenyal. Isinilang ako sa panahong hindi nangwawasak. Hindi armas o sandata ang una kong hinawakan. Mapalad ako dahil isinilang ako sa panahon ng muling pagtatag at panibagong pagbabangon. Kung kaya ang pagkakaroon ng masisigasig na pangarap ang pinakakongkretong ambag ko sa pagtatag at pagbabangong iyon.

Sa tuwing mangangarap ako, personal man o kolektibo, pakiramdam kong sumusikip ang espasyo ng mundo. Hindi ng mundong aking ginagalawan, kundi ng mundo kung saan namamalagi ang mga pinakawalang pangarap. Sa pagsikip nito ay nahihirapang muling bumalik ang mga pangarap bilang ganap na katuparan.

Marami akong pangarap: maging matagumpay sa prospesyong aking pinili, matulungan ang aking pamilya at kapwa, at makapag-ambag sa kaunlaran ng bayan. Sa pangkalahatan, nangangarap ako ng pagbabago katulad nang malaon ng mithiin ng mga nauna sa akin. Pagbabago para sa mas matagumpay na ako, sa mas maayos na kalagayan ng pamilya at kapwa, at sa mas maunlad na bayan.
Nais kong maging matagumpay sa propesyong aking pinili, ang maging isang dalubguro. Marahil ito na ang pinakakaraniwang pangarap na propesyon o kung hindi man ay huli sa listahan dahil sa mababang sahod. Noong una, ayaw kong maging guro, tulad ng aking ina, dahil sa napakaraming sulatin, nakatatamad na maghapong pagtuturo, at mababang sahod. Tatlong propesyon ang nauna bago ako humantong dito: sining ng pagluluto, pagtutuos, at agham pangkompyuter. Nagbago ang lahat dahil sa mensahe noong araw ng aming pagtatapos sa hayskul. Huwag ninyong piliin ang propesyon kung saan kayo magiging mayaman, bagama’t mahalaga iyon. Higit ninyong piliin ang propesyon kung saan ninyo matatagpuan ang kagalakan. Masasabi kong nasa pagtuturo ang kagalakang iyon.

Noong nagsasanay akong maging guro, doon ko higit naunawaan ang halaga nito. Isang tuloy-tuloy na taalarawan ang panahong iyon, minsa’y nakatatanggap ako ng mga kuwent mula sa iba’t ibang mga mag-aaral, madalas ay nagpapadala ako ng aking karanasan. Masarap mabuhay sa silid na puno ng karunungan, sa silid na puno ng iba’t ibang emosyon, sa silid na maraming mumunting pangarap ang naglalakbay at naghihintay na matupad.

Sa pagtatapos ng semestre ng aking pagsasanay bilang gurong-mag-aaral, nakatanggap ako ng mga liham at ebalwasyon mula sa kanila. At iniwanan ko naman sila ng mga paalaala. Huwag kayong titigil sa inyong pangarap. Ang pangangarap ay katulad ng isang batang gagawing kapa ang kumot at tatakbo na animo’y lumilipad. Imposible ang makalipad, subalit hindi imposible na tuparin ang inyong pangarap. Tandaan libre ang mangarap, subalit hindi libre upang ito ay makamit.

Pangarap kong matulungan ang aking pamilya at kapwa. Bunga ito ng paglingon sa nakaraan, ng pagtanaw sa mga ginawa, at pagpapasalamat sa lahat ng tulong nila sa akin. Maaaring hindi ko mahigitan ang halaga nila sa akin kung kaya’t sa ganitong paraan ay mapantayan man lang. Ang makapagtayo ng sariling bahay sa sariling lupa, ang matulungang makapagtapos ang dalawang bunsong kapatid, at makapunta sa iba’t ibang lugar sa loob o labas ng bansa. Ang makasamang kumain at humalakhak ang mga dati at bagong kaibigan at ang tumulong sa panahon ng kanilang kagipitan. Babalik at babalik ako sa kanila. Dahil ang pagbabalik, sinasadya man o hindi, ay nangangahulugan ng hindi paglimot.

Naaalala ko, noong maliliit pa kaming tatlong magkakapatid, tatanungin kami ng aming ina kung ano ang nais naming paglaki. Ako ay manunula, ang ikalaw ay mang-aawit, at ang bunso ay mananayaw. At sa harap ng aming ina ay isa-isa kaming magpapakita ng talento at sasabihin niya sa huli na lahat kami ay panalo, na lahat kami ay makakamit ang aming pangarap. Habang lumalaki at nagkakaisip, nagbago ang pananaw namin sa salitang pangarap, masaklaw pala ang bagay na ito. Ako gustong maging dalubguro, ang ikalawa maging kawani, ang huli makasakay sa eroplano. Ang lahat ng pangarap na ito ay para sa aming namayapang ama at nagsisikap na ina.

Minimithi kong makapag-ambag sa kaunlaran ng bayan. Upang magkaroon ng bayang mangangalaga sa karapatan ng lahat ng mamamayan. Bansang inuuna ang pangangailangan ng mga dukha at mahihirap. Pamahalaang may matatapat, matulungin, at mabubuting pinuno. Estadong pinangangalagaan ang lahat ng yaman ng bansa. Rehiyong walang tunggalian sa usapin ng paniniwala, wika, at anyo. Lipunang kinikilala ang lakas ng lahat ng kasarian at walang deskriminasyon. Isang pangarap para sa kolektibong kagalingan at kaunlaran. Kaunlarang walang nasasagasaan o napapahamak. Minsang sinabi ni John Kennedy, huwag mong itanong kung anong magagawa ng bayan para sa iyo. Tanungin mo ang iyong sarili kung ano ang magagawa mo para sa bayan.

Ang pagkakaroon marahil ng mithiin para sa bayan o bansa ay ang pinakamahirap matupad. Hindi ito kaya ng isang tao, marami dapat ang kumikilos, ang lahat. Hindi rin ito dapat maging pangarap ng iisa, ito ay kailangang maging lunggati ng lahat. Kung pagkilos ang pag-uusapan, hindi pahuhuli ang unibersidad na aking kinabibilangan. Minsan ko na ring naranasan ang ganitong pagkilos. Bago ako pumasok sa kolehiyo at kahit sa mga unang taon ko ay ayaw kong sumama sa kanila. Kahit ang simpleng pagpasok sa nila sa aming silid at pagtalakay sa kalagayan ng mga uring manggagawa ay hindi ako interesado.

Nagbago ang pananaw ko nang mapanood ko ang dulang Saan Papunta ang mga Putok. Nakita ko na hindi lahat ng pagkilos ay marahas. Ang bawat pagkilos ay pagpaparating ng hinaing at pagsupil sa mga maling sistemang umiiral – pagtupad sa pangarap ng kumikilos. Nasa sama-samang pagkilos at nagkakaisang mithiin makakamit ang maunlad na bayan para sa mamamayan.
Subalit alin sa mga pangarap na ito ang dapat unahin? Ang mga pahayag ni dating Senador Raul Rocco ang sumasagot sa tanong na iyan. Noong ako ay dalawampung taong gulang, nais kong baguhin ang mundo; sa ikatatlumpong taon ko, nais kong baguhin ang bansa; noong ako ay animnapu, napagtanto kong ang nais kong baguhin ay ang aking sarili.
Ang mga mithiin ng isang milenyal ay nangangailangan ng pagtataya ng sarili at pagsugal para sa panahong ito, sa mga darating na taon, at sa susunod na henerasyon. Naalala ko ang isang talumpati ng aking kaibigan tungkol sa pagtataya ng sarili at ito ay nangangailangan ng pagpapahalaga, pangarap, at pagkilos.

Kung kaya, itinataya ko ang aking sarili, kinakatawan ang mga pangarap ng henerasyong nagluwal sa akin, bunga ng mga kabiguan at tagumpay ng mga nauna, at para sa kapakanan ng mga susunod. Bilang kabataang bahagi ng henerasyon ng mga milenyal, lagi kong baon ang paalala ni dating Pangulong Quezon. Tumulong ka sa kagalingan ng iyong pamayanan at palaganapin ang katarungang panlipunan. Hindi ka nabubuhay na nag-iisa kapiling ang iyong mag-anak lamang. Bahagi ka ng isang lipunang pinagkakautangan mo ng pananagutan.


Mangarap. Magtiwala. Magsikap.








Ang akdang ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2016

No comments:

Post a Comment